KARANIWAN nang maririnig na kapag mayaman o maykapangyarihan ang kalaban mo, malamang kaysa hindi ay talo ka sa kaso. Dahil nabibili at naiimpluwensyahan ng maykapangyarihan ang mga hukom.
Sa mata ng publiko, ang hustisya sa bansa ay kakampi ng mayayaman. Patunay dito ang bilang ng mga pinarusahang nasa kulungan na halos lahat ay galing sa mahihirap!
Ligal pero di-makatarungan ang hustisya sa bansa
Nang magbukas ang impeachment court, may ilan sa prosekusyon ang nagsabing si Chief Justice RenatoCorona lang ang problema. Ang nakasalang daw ay hindi ang buong korte kundi ang punong mahistrado lamang.
Bakit? Dahil sinunod lamang ng prosekusyon ang utos ng Pangulo. Ano ang nais ni Aquino? Ang nais ni Aquino ay matanggal si Corona, mapalitan ng pabor sa kanya at mapasunod sa kagustuhan niya ang iba pang mahistrado.
Ang kanyang totoong adyenda sa pag-iimpeach kay Corona ay konsolidasyon ng kanyang kontrol sa estado poder! Sapagkat si Corona ay tuta ni GMA, isang midnight appointee na nasa Korte para salagin ang mga kaso ni Arroyo.
Isa pa ay para mapanatili sa kanyang pamilya ang 6,000 ektaryang Hacienda Luisita o mabayaran sa kanila nang labis-labis na halaga.
Hindi ang paglilinis ng korte ang motibo ni Aquino. Hindi niya nais na magkaroon ng mga substansyal na pagbabago sa ating justice system.
Hindi pinuntirya ni Noynoy ang pagiging “elitista” ng kasalukuyang korte. Kahit matingkad ang ganitong katangian ng hukuman. Ang tanging nakita niyang problema ay si Corona, na tinawag niyang “mukha” ng problema sa hudikatura.
Hindi niya makita – marahil dahil ayaw tingnan – na kung ang papalitan lamang ay ang “mukha,” mananatili ang naaagnas na “katawan” ng justice system sa bansa. Ito ay isang klase ng hustisyang ligal ang pang-aabuso ng iilang mayayaman sa nakararaming naghihirap.
Ilang beses nang dumulog sa korte suprema ang taumbayan para baliktarin ang mga batas at patakarang umaapi sa kanila. Subalit tuwi-tuwina’y pumapanig ang Korte Suprema sa mga mayayaman! Gaya ng pagkampi nito kay Lucio Tan sa kaso ng subcontracting sa Philippine Airlines. Tulad ng pagsang-ayon sa Oil Deregulation Law na ngayo’y nagdudulot ng tuloy-tuloy at di-mapigil na pagtaas sa presyo ng langis. Ganundin, sa Mining Act of 1995, na binigyan ng ligal na batayan ang pandarambong ng mga dayuhan sa ating likas-yaman.
Subalit ang maka-elitistang katangian ng kasalukuyang hukuman ay hindi nagmumula sa isang indibidwal gaya ni Corona. Ito ay isang sistema. Ibig sabihin, binubuo ito ng iba’t ibang bahagi ng isang kabuuan o totalidad. Gaya ng (a) pamantayan sa pagdedesisyon sa mga kaso, (b) proseso sa seleksyon ng huwes, (k) pagtatakda kung sino ang magdedesisyon sa mga paglilitis (d) at ang mga batas na ginawa ng Kongreso.
Elitista ang justice system. Dahil ang balangkas nito sa pagdedesisyon ay pumapabor sa property rights ng mayayaman. Dahil ang mga huwes ay in-appoint ng pangulo kaya’t ang kanilang katapatan ay nasa indibidwal imbes na sa taumbayan. Dahil monopolyado ng mga huwes ang pagdedesisyon at walang partisipasyon dito ang mamamayan liban kung sila ang nagkakaso o ang kinakasuhan. Bukod pa ito sa karumal-dumal na usaping nasusuhulan ang mga mahistrado!
Ipaglaban ang judicial reforms para sa hukumang makamasa
Para sa totoong paglilinis ng hudikatura laban sa korapsyon at sa reoryentasyon nito upang igawad ang tunay na hustisya para sa masa – laluna sa manggagawa’t magsasaka, ating ipinapanukala ang sumusunod na mga reporma:
(1) Resign all! Ang unang hakbang ay ang pagbibitiw ng lahat ng mga mahistrado para bigyang-daan ang total overhaul ng justice system.
(2) Ihalal ang mga huwes! Ang mga huwes ay dapat na ihalal ng taumbayan. Upang tiyakin na ang kanilang katapatan ay nasa mamamayan at hindi sa isang indibidwal, gaya ng kasalukuyan, kung saan ang mga hukom ay ina-appoint ng pangulo ng bansa.
(3) Partisipasyon ng masa sa paggawad ng hustisya gaya ng jury system! Hindi hadlang ang kawalan ng titulo bilang abogado para maging bahagi ng paghuhusga ang ordinaryong tao. Sa mauunlad na bansa, ang masa ay maaring mahirang bilang isa sa mga hurado sa paglilitis. Bago sumalang sa isang kaso, ang “jury” ay pinipili ng dalawang panig (prosekusyon at depensa) at binibigyan ng seminar sa kanilang tungkulin bilang hurado. Pinagbobotohan ng mga hurado ang kanilang kolektibong desisyon.
Sa kasalukuyan, sapagkat nakakonsentra ang pagdedesisyon sa iisang tao (huwes), mas malaki ang posibilidad ng panunuhol. Kung totoong umiiral ang demokrasya – kung saan ang kapasyahan ng nakararami ang namamayani – ang mamamayan ay kalahok sa pulitika, kapwa sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng batas. Hindi gaya ng kalagayan ngayon, kung saan ang papel ng masa sa pulitika ay tagaboto lamang ng kanyang kinatawan tuwing anim at tatlong taon at tagabuwis tuwing sweldo at kapag siya ay bumibili ng produkto.
(4) Unahin ang mga karapatan at kalayaan ng manggagawa’t mamamayan kaysa sa karapatan sa pag-aari ng iilang kapitalista. Distrungkahin ang balangkas na “equal rights” o “pantay na karapatan”.
Ang papel ng korte ay protektahan ang sinumang dudulog rito kapag nayurakan ang kanilang karapatan. Pero lahat daw ng mamamayan ay may “pantay” na karapatan. Mayaman man o mahirap. May-kaya man o wala. Kung kaya’t sinasabing ang mga korte ay “patas” at “walang pinapanigan”, animo’y isang nyutral na referee sa pagitan ng nagkakaso’t kinakasuhan.
Narito ang problema. Sa papel, “pantay” ang mayaman at mahirap. Pero sa tunay na realidad, hindi lamang langit at lupa ang kanilang pagitan. Mas pa – at ito ang krusyal – ang kanilang mga karapatan ay nagkakasalungat at nagbabanggaan. Pero parehong kinikilala ng batas bilang “pantay” ang naturang mga nagtutunggaliang mga karapatan. Dahil dito, nananaig ang “karapatan” ng mga mayayaman.
Isalarawan natin. Ang mamamayan ay may karapatan para mabuhay nang disente’t marangal. Ang mga dambuhalang kompanya ng langis ay may karapatang tumubo bunga ng kanilang property right. Nagkabangga ang dalawang karapatan sa isyu ng oil deregulation. Nais ng taumbayan na kontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis. Kabaliktaran ang nais ng mga korporasyon. Pumasok ang korte. Ginamit ang kanyang timbangan para sukatin ang mga karapatang itinuring niyang “pantay”. At ano ang naganap? Pumabor ang korte sa kagustuhan ng mga kapitalista sa oil industry!
Isa pang halimbawa. Sa loob ng mga kompanya, nariyan ang karapatan ng kapital at paggawa. Karapatan ng kapitalista ang tumubo bunga ng kanyang property right. Karapatan ng manggagawa ang right to live decently, na siyang tuntungan ng kanyang karapatan para sa living wage o sweldong makabubuhay ng disente’t marangal para sa kanyang pamilya at job security. Magkatunggaling mga diumano’y pantay na karapatang nagharap sa korte sa kaso ng kontraktwalisayon sa PAL. Tinimbang ito ng mga mahistrado at nagwagi si Lucio Tan!
Isa pang halimbawa. Sa loob ng mga kompanya, nariyan ang karapatan ng kapital at paggawa. Karapatan ng kapitalista ang tumubo bunga ng kanyang property right. Karapatan ng manggagawa ang right to live decently, na siyang tuntungan ng kanyang karapatan para sa living wage o sweldong makabubuhay ng disente’t marangal para sa kanyang pamilya at job security. Magkatunggaling mga diumano’y pantay na karapatang nagharap sa korte sa kaso ng kontraktwalisayon sa PAL. Tinimbang ito ng mga mahistrado at nagwagi si Lucio Tan!
Ang ating tindig ay baliktarin ang ligal na balangkas sa pagdedesisyon ng korte! Palitan ang “equal rights”. Sa ngalan ng panlipunang hustisya, dapat mangibabaw ang mga karapatan at kalayaan ng manggagawa’t mamamayan bago ang property rights ng mga kapitalista.
At bago kilabutan ang mga kapitalista sa panawagang baliktarin ang “equal rights”, humiram tayo ng salita sa isang kauri nila – sa kanyang inaugural speech, sabi ni President Ramon Magsaysay, “Those who have less in life should have more in law”! #
At bago kilabutan ang mga kapitalista sa panawagang baliktarin ang “equal rights”, humiram tayo ng salita sa isang kauri nila – sa kanyang inaugural speech, sabi ni President Ramon Magsaysay, “Those who have less in life should have more in law”! #
Blog source taken from
workersstandpoint
"THE EMANCIPATION OF THE WORKING CLASS MUST BE THE ACT OF THE WORKING CLASS ITSELF"